|
EMO.
by kluss07 |
February 11, 2008 |
08:57 PM
Suot ang iyong itim na t-shirt at masikip na pantalon, ipagpapatuloy mo ang pagtahak sa madilim na eskinita. Pipilitin mong iwasan ang mga nakakalat na dumi ng aso nang huwag marumihan ang sapatos mong tatak-Chucks (na ang totoo’y galing lang sa tiangge sa may Glorietta). Habang sinususubukang hawiin ang nakaharang mong buhok, may sisigaw sa iyong likod ng, “Dude, you must be emo!” Lilingon ka, tatanggalin ang earphones sa iyong tenga, at sasabat ng “Anong emo?! Gago!”
Maaalala mong hindi ka pala nakahingi ng pera sa iyong nanay. ‘Malamang naubos na rin niya yon sa pagmamadyong,’ sasabihin mo na lang sa iyong sarili. Kukunin mo ang iyong iPod mula sa bulsa at magpapatugtog ng “Fall Out Boy” na kanta. Dahil gusto mong iwasan ang mga tingin at bulung-bulungan ng iyong mga kapitbahay, dadaan ka sa madilim na parte ng eskinita. Wrong move, pare. May tatapik sa iyong likod at magbubulong ng, “Pare, holdap ‘to.” “Putang ina, bakit ba kasi naisipan kong magsuot ng makinang na sinturon, madali tuloy akong nakita ng buwisit na holdaper na ‘to,” masasabi mo na lang sa iyong sarili habang nararamdaman mong nakatutok sa iyo ang matalim na kutsilyo. Mapipilitan kang ibigay ang iyong iPod at pitaka. Pagkakuha’y kakaripas nang takbo ang holdaper. “Dapat pala nag-goth look na lang ako, baka sakaling mas nagmukha pa kong basagulero kesa lampang gago,” mabubulong mo sa iyong sarili. Ang kakatwa sa pagiging emo ay ang matinding kabaligtaran nito sa naunang style na pagiging hippie. Taliwas sa paniniwala ng mga hippie, sa halip na ipalaganap ang kapayapaan, pagkakaisa at sekswalidad; pinipili ng mga emo na mamuhay sa sari-sarili nilang magugulong mundo, habang kinikilala ang iba’t-ibang mukha ng kanilang mga emosyon. Ano nga ba ang nangyari sa atin na mula sa pagiging peace-loving at eco-friendly, ay napadpad tayo sa madilim na mundo ng pag-iisa at pagpapatiwakal? Titingin ka sa salamin at pagmamasdan ang iyong sarili. I CUT MYSELF TO FEEL, mga katagang nakasulat sa iyong kumukupas na t-shirt. Kung sinasaktan mo ba talaga o hindi ang iyong sarili, hindi na rin ganoon kahalaga para sayo. “Kapag naman emo ka, ganun at ganun na lang din ang iisipin sa iyo ng mga tao, na sinasaktan mo ang iyong sarili, na wala kang kaibigan, na wala kang paki sa iba.” Emo ang dapat maging salita ng taon, sapagkat di tulad ng mga salitang chuva, nosebleed, jabar, at iba pa, ipanakikita nito ang tunay na kalagayan ng bansa, o marahil, pati na rin ng buong mundo. Ang mga Pilipino ay hindi nabubuhay sa bansang tanggap ang mga bakla, at kahit ilang libong salita pa mula sa kanila ang maisama sa ating pang-araw araw na pananalita, ay hindi pa rin mawawala ang diskriminasyon at stigma sa kanila. Hindi tayo nakatira sa bansang binabalewala ang pagsasalita sa Ingles, at kung minsan man ay ginagamit nating biruan ang hindi pagkaka-intindi nito, alam nating isa ito sa pinakamahalagang aspekto ng ating edukasyon. Hindi tayo namumuhay sa bansang nalulunod sa pera, hindi mahalaga kung araw-araw tayong maghanapbuhay, at lalong hindi mahalaga kung tagaktak na ang pawis sa ating mga braso’t kili-kili. Nabubuhay ang mga Pilipino sa isang bansang unti-unti nang nawawalan ng pag-asa, isang bansang makalipas ang maraming dekada ng kaguluhan at terorismo ay namumulat na sa mga realidad ng magulong mundo. Wala na ang panahon kung saan tayo’y naniniwala pa rin sa kapangyarihan ng pagmamahal, kapayapaan at pagkakaisa. Gigising ka at tatayo mula sa iyong kama. Haharap sa salamin, mag-aayos ng kaunti at lalabas na ng bahay. Suot ang iyong itim na t-shirt at masikip na pantalon, ipagpapatuloy mo ang pagtahak sa madilim na eskinita. Walang dalang pera, walang kinaing almusal, walang ni katiting na sigla.
Filed under ..usual rantings.. | bite me
|
The trick is to keep breathing. It's nine in the afternoon. navigate Profile Images Headlines Allies Supporters Extra Pages Links Archives death wish categories extra pages communities links credits Design | Jawn |
